What I learned about yesterday's trekking going to Cavinti falls...
First time kong mag trek ng ganun kahaba, ang daming ups and downs, may patag na madadaanan na hindi nakakapagod, may pababa na nakakatakot na baka bigla ka dumulas, may makikitid na tapakan pababa na kailangan ng sobrang pag iingat kung ayaw mong dumulas pababa at mabagok ang ulo mo, mga paakyat na sobrang nakakapagod na tatagaktak ng sobra ang pawis mo.
Pero after that trekking papunta sa main purpose mo, nakakatuwa, masaya sa pakiramdam yung falls, yung tunog ng pagbagsak ng tubig, yung lamig ng tubig, yung peace, calm and serenity na mararamdaman mo. Lahat ng pagod mo sa pag punta eh nawala na lang bigla, hindi mo na naisip at hindi mo na ramdam, naka focus ka nalang sa falls. Ang ganda. Nasubukan ko din mismo sa ilalim ng falls, ang lamig ng tubig, ang sarap sa pakiramdam kahit malakas ang bagsak sa'yo ng tubig na medyo masasaktan ka, na makakaramdam ka ng kakulangan sa paghinga na parang nalulunod ka. hindi ko alam pero may kung anong saya sa puso ko kahit na nasasaktan ako sa bagsak ng tubig, sa coldness nito, at kahit medyo mahirap huminga, napasaya ako nito. Gustuhin ko man mag tagal sa ilalim ng pag bagsak ng tubig nito, alam kong darating ako sa puntong hindi ko kakayanin, mapapagod ako sa pagsalo ng malakas at masakit na bagsak ng tubig nito, giginawin ako sa lamig na ipadadama nito, hahanap at hahanap ako ng way para mas makahinga ako ng maayos mula sa tubig na bumabagsak sakin. Pero after nun, pag dumistansya ka sa falls, masasabi mo pa rin na masarap sa pakiramdam, at meron sa puso mong nag sasabing "gusto ko pa ulit." na habang pinagmamasdan mo ang falls, masasabi mo pa rin na masaya, sobrang saya.
Pero gaya ng mga ibang bagay, kailangan mo mag paalam, walang forever sabi nga nila. Ito na yung mahirap na part na naranasan ko sa trekking na 'to, yung pag baba papunta sa falls nakakapagod, pero yung pabalik na ang mas nakakapagod, yung tatahakin mo uli yung daan na dinaanan mo pabalik sa totoong mundo mo, yung paakyat, yung sa bawat daan na madadaan mo eh makakaramdam ka ng sakit, hirap at pagod. Yung bawat daan eh masasabi mong hindi naman ganito kahirap itong daan na ito nung pumunta ako, pero bakit ngayon ang hirap na? Parehas lang naman ng daan ang tinahak ko papunta at pabalik, parehas lang ng layo, pero yung pag balik talaga ang mahirap, mapapagod ka ng sobra, gusto mo nalang sumuko bigla sa paglakad at pag akyat. Mapapagod ka, makakaramdam ka ng pagka manhid, pero kailangan mo lang ay ang mag pahinga saglit para makahinga sa pagod ng pagbalik sa talagang buhay mo, magpahinga ka pag napagod ka, hindi mo pwedeng pwersahin ang sarili mong magdire-diretso kasi baka mas masaktan ka lang, mag pahinga ka, makakabalik ka rin.
After ng mas nakakapagod na pagbalik, masaya sa pakiramdam uli, sa wakas, nagawa ko makabalik. Masaya pero may sakit na nararamdaman. Ang pinagkaiba nito sa pagpunta sa falls eh yung pagod mo papuntang falls nawala bigla nung nakarating ka na, pero itong pag balik, yung pagod mo may kasamang pagsakit ng mga binti. Pero kahit masakit, ang importante, nagawa ko makabalik.
ngayon isang araw makalipas, andun pa rin yung sakit na nararamdaman ko sa muscle ng mga binti ko. Masakit pa rin siya. Oo, hindi naman kasi basta basta mawawala ang sakit na mararamdaman mo, bakit nga ba parang mahaba yung feeling of pain kesa sa feeling of happiness? Yung kasiyahan mong naramdaman ng ilang oras sa harap ng falls na ngayon ay ala-ala nalang na nag papasaya sa'yo, pero yung sakit na hanggang ngayon ramdam na ramdam mo na akala mo kanina lang nangyari lahat. Masaya, pero masakit.
Ngayon, gugustuhin ko pa ba uli sumubok sa iba kahit alam kong may possibilities na ganito uli mangyari? Gusto ko, pero hindi muna ngayon, kailangan ko muna makabawi sa sarili ko, hanggang mawala yung sakit na nararamdaman ko, hanggang makaya kong harapin uli ang takot at pagod na mararanasan ko. Susubok uli ako, pero pag ayos na ako.